Aralin 4(Mabangis na Lunsod)
Mabangis na Lunsod (Efren Reyes Abueg) Ang gabi ay mabilis na lumatag sa mga gusali, lumagom sa malalaki’t maliliit na lansangan, dumantay sa mukha ng mga taong pagal, sa mga taong sa araw-araw ay may bagong lunas na walang bisa. Nguni’t ang gabi ay waring maninipis na sutla lamang ng dilim na walang lawak mula sa lupa hanggang sa mga unang palapag ng mga gusali. Ang gabi ay ukol lamang sa dilim sa kalangitan sapagka’t ang gabi sa kalupaan ay hinahamig lamang ng mabangis na liwanag ng mga ilaw-dagitab. Ang gabi ay hindi napapansin ng lalabindalawang taong gulang na si Adong. Ang gabi ay tulad lamang ng pagiging Quiapo ng pook na iyon. Kay Adong, ang gabi’y naroroon, hindi dahil sa may layunin sa pagiging naroon, kundi dahil sa naroroon, katulad ng Quiapo. Sa walang muwang na isipan ni Adong, walang kabuluhan sa kanya kung naroon man o wala ang gabi- at ang Quiapo. Nguni’t isang bagay ang may kabuluhan kay Adong sa Quiapo. Alisin na ang nagtatayugang gusali...